Wednesday, October 2, 2013

10/4 Liham na Purong Tagalog + Quiz

Mga Mahal Kong Ka-Liga,

Ika-limang linggo na ng ating liga, ang Philly Pinoy Mixed Fall League o MFL.  Tila nasa kalagitnaan na tayo ng ating sampung linggong kumpetisyon.  Sa bilis ng daloy ng panahon, pakiramdam ko'y kasisimula lamang ng ating samahan.  Sana'y wala nang wakas (Sharon Cuneta), nguni't tuloy ang ikot ng mundo (APO).

Sadyang mainit ang mga labanan sa bawa't linggo!  Gumagaling ang mga manlalaro, nagtataasan ang inyong mga marka, habang inyong kusang sinasabayan ang bawa't katapat sa kagalingan maglaro.  Ang gagaling na natin, ha!   Ang titinik ninyo, mga kapatid! 

O anong ligaya ang magwagi, ang makamit ang inaasam-asam na pagpanalo, at ang makalaro ng kay galing makatapos ang mataimtim at puspusang pag-ensayo (dalawang piso lang po sa Palace).  Nguni't subali't datapwa't, palaging mayroong talunan, at masaklap ang hindi magwagi makatapos mong ibuhos ang iyong puso't kaluluwa sa pagnanasang manalo at huwag mabigo. *hikbi*

Nananabik, ako pa ri'y sadyang nananabik (Didith Reyes, HAY!), na mula sa kalalimlaliman na kinatatayuan ng aking mahal na mga katropang BALUT/SISIW, nawa'y umangat ang aming kalagayan at lumitaw ang aming tunay na kakanyahan sa mga darating na labanan (naks!).  Lalo na't ang aming haharapin sa darating na linggo ay walang iba kundi ang matitinik na manlalaro ng tropang GOTO, na pinamumunuan ng walang iba kundi ang aking GoPapa Joel.  Ngiih, patay kang bata ka!  Giyera de Patani, Capucao laban sa Capucao, pasarapan ng sabaw = abangan!

Nawa'y naeengganyo kayo sa saya ng samahan, at sarap ng ating tsibugan, tsismisan, kantiyawan at tawanan sa tuwing tayo ay nagtitipon-tipon.  Alam naman ninyong ginagawa namin ang lahat, mula sa ilalim ng aming mga puso, para kayo ay lubos na masiyahan sa ating munting liga.  Kami'y nagpapasalamat na kayo ay nakasama namin sa ligang ito = masaya ito dahil kalog kayo at game na game, kaya loves ko kayong lahat!  Taos puso rin akong nagpapasalamat (at humihingi ng tawad) sa inyong patuloy na pagtangkilik ng aking mga munting hakahaka (translation = blog).  Pagpasensiyahan dahil mababaw po tayo, nguni't kaligayahan kong mapaligaya ko kayo (naks!).

At dahil alam kong inyong inaabangan, meron po tayong QUIZ ulit.  Maganda dahil hindi ko kayo binibigyan ng grado, ano?  Nakikilala ninyo pati ang inyong mga kasama't kalaro.  Hala, heto na, bago ako maubusan ng Tagalog!


  1. Sino ang Team Captain ng Team DAING?
  2. Sino ang babaeng manlalaro sa Team GOTO?
  3. Ano ang pangalawang pangalan ng Team KROPEK?
  4. Anong kanta ang ginamit ni Jing para sa karaoke singalong para sa Team LAPU-LAPU?
  5. Sino ang kauna-unahang nanalo ng limpak-limpak na salapi sa ating unang linggong 50/50 raffle?
  6. Sino ang nagsabi sa email na dinurog na ang (Team) KROPEK at binudbod na sa palabok, makatapos na malampaso ng Team DAING sa ating ikalawang linggo ng labanan? 
  7. Sino yung BOWLERO na nagdiwang ng kanyang kaarawan sa nakaraang linggo?
  8. Sino ang mga lalaking manlalaro na kasama ni Grace sa Team ADOBO?
  9. Ilang pre-bowl ang maaari mong gawin?
  10. Ilang pins ang tinatanggal sa iyong average kapag blind score ang iyong ginamit?
  11. Sino si Arthur?
  12. Sino si Atit?
  13. Sino si Carmelinda?
  14. Sino ang ating dakilang official photographer, at paano siya konektado sa liga?
  15. Ano ang pangalan ng bolang pula (spare ball) ni BowlStar Jing?

Hanggang sa muli!  Magkitakita tayo sa bolingan, mga kapatid!

Nagmamahal,
Jing




MGA KASAGUTAN:
  1. Joel Deo
  2. Eden Paredes
  3. Kilawin o Killa-Win
  4. Binibini
  5. Edwin - MONAY
  6. Ka Ayban (Ivan) - TAPSILOG
  7. Desi - TAPSILOG
  8. Blue Sapalaran at Lino Matamis
  9. tatlo (3)
  10. sampu (10)
  11. Art Coronado - MONAY.  Arthur ang tawag sa kanya ni Edwin...
  12. Francis Carangan - PISBOL  = Atit!  Galing mo na!
  13. Ako, real name, acheche!
  14. May Libo-on, maybahay ni Romy Libo-on ng SISIG
  15. Hot Mama, mainit-init pa....
;)

No comments:

Post a Comment