Tila hahabol-habol ang pahabol blog ngayong linggo = aba'y Sabado na, ngayon ko lamang natapos! Kaya ang kanta ko para sa Team DAING ay nasa tono ng Hahabol-Habol ni Ginang Sylvia La Torre. Galing ninyo, Team DAING, bow!
O ang Team DAING
Pag sila at hot
Ang mga kalaban
Ay nalalagot
Lanie, Jay at Joel
Pag humahataw
Mga nanonood
Ay napapa WOW!
Hanggang ngayon ay patuloy ang pagmumuni-muni ko sa mga pangyayari sa labanang Team DAING vs. Team BALUT nitong nakaraang linggo. Hahabol-habol pa rin ang Team BALUT sa tagumpay na inaasam-asam. O kay saklap, o kay saklap...nguni't subali't datapwa't hindi kami nalampaso kaya't nagpapasalamat pa rin ako sa kinalabasan ng aming labanan: naka-ISA, magkaisa, pa-isa-isa, cha cha cha!
Lubos din ang aking kaligayahan sa ipinakitang kakanyahan at kagalingan ng aking mga kapwa Bandidong Balut na sina Edmer at Lowen: galing-galing ninyo, mga pare ko = bow! Bagama't ginawa natin ang lahat para tayo'y magwagi, kulang pa rin, nagkulang ang inyong lingkod. Ako'y humihingi ng tawad sa inyo dahil hindi ko naibigay ang pagpanalo ng Game 3, dahil bumagsak ng husto ang aking iskor (score) at hindi ako nakagawa ng tatlong strike sa huling frame. Sana man lang ay naka-angat ng kaunti ang mga lagi na lamang talunan na Team BALUT/SISIW. *hikbi*
Kung maibabalik ko lang, sana bukas pa ang kahapon, pagsisisi ang sa isip kong nalaman kong ako'y nagkamali. *hikbi ulit* Nguni't huwag mo akong tingnan na para bang luluha ka, dahil (sa isang bulaklak) may bukas pa, kahit ako ay lupa, naks!
O kay ganda (o kay ganda) ng aking laro sa simula ng liga. Nguni't sa mga nakaraang linggo ay parang binura ang alaala at mistulang isang guniguni na lamang, isang kisapmata... O baka naman ito'y isang muta, kung kaya't ako'y napuwing at parang bulag na nangangapa at nagkakandarapa sa bolingan. *hikbi* Nais ko tuloy kantahan/haranahan ang aking mga suwail na bola, nang sila'y maenganyong sumunod sa akin at handugan ako ng magagandang marka. Hanggang sa dulo ng walang hanggan, sasambahin kita, sana ay ikaw na nga, nguni't ayoko na sa iyo, ako'y litong lito! Sa tono ng kantang Ewan ng Apo Hiking Society, nagmamakaawa akong bigyan ako ng aking mga bola ng magandang laro kahit MINSAN.
Hindi ko alam
Bakit bola ko'y ganyan
Mahirap basahin at
'Di pa nagmamarka
Dati naman
Ako'y pinagbibigyan
Bakit ngayon, kay torpe niyo -
Sadyang nakakaloka!
Mahal kita, mahal kita
Mahal kong bola
Mag-strike ka ng isang beses
Ako'y nasa langit na!
Nguni't buwisit ka, o buwisit ka
Ibabangko na kita
Gumawa ka naman kahit
MINSAN....
Nabuhayan naman ang aking loob sa naging laro ko sa aking USBC League nitong nakaraang Miyerkoles (tingnan ninyo ang blog kong JingGalBowls para sa mga detalye). Sana, ito na ang bukang liwayway (hindi bukakang liwayway...) ng muling pagbabalik ng tunay na BowlStar na laro para sa akin sa ating munting liga. Abangan!
Seryoso na daw...mga munting PAALALA (reminders) para sa aking mga mahal na ka-liga:
- Bukas, Oktubre 20, huwag kalimutan ang WEAR PINK DAY ng ating MFL. Mag-mimistulang rosas pandan ang Palace ng Downingtown...hane!
- Paghandaan na ang ating Halloween Costume party sa Nobyembre 3. Bigyan ng atake sa puso ang mga kalaban at kakampi, yebah! Nguni't huwag kalimutan ang salumpuwet.
- Paghandaan na rin ang Annual Winter League sa darating na Enero 2014. Sa ngayon, mukhang itutuloy natin ang laro sa araw ng Linggo, parehong araw at oras ng ating MFL. Teams of four ulit, tulad ng dati. Maghanap na ng kalaro o mag-reunion na ang barkadang magkakasama sa hirap at ginhawa (at inuman at tsibugan at kalokohan....). Hahataw na, malapit na! Hala bira!
Pasensiya na kayo, wala munang QUIZ TIME itong pahabol blog ngayong linggo. Malapit nang mag-Linggo, kitakits tayo bukas!
Bowl, baby, BOWL!
No comments:
Post a Comment